Aking Repleksyon sa Kantang Magkabilaan ni Joey Ayala

ang katotohanan ay may dalawang mukha
ang tama sa iyo ay mali sa tingin ng iba
may puti may itim, liwanag at dilim
may pumapaibabaw, at may sumasailalim
                      Sa pagsisimula ng kanta ipinahatid niya ang dalawang mukha ng katotohanan ''ang tama sa iyo ay mali sa tingin ng iba'' na siyang nagpapatunay na ang bawat tao ay may sariling pag-iisip at pagpapasiya sa buhay. Iba-iba tayo ng pag-unawa sa kung ano ang tama at mali. Ang iba ay malinis ang pag-iisip at ang iba naman ay maitim. Pero saan mang banda ay siguradong may sasaibabaw at yun ay ang katotohanan at sasailalim naman ang kasinungalingan.

ang tubig ay sa apoy, ang lupa ay sa langit
ang araw ay sa gabi, ang lamig naman ay sa init
kapag nawala ang isa, ang isa'y di mababatid
ang malakas at ang mahina'y magkapatid
             Bawat bagay ay ginawa para sa isa. May mga bagay na sadyang ipinareha o ibinigay para lamang sa iyo. Mga bagay na kapag nawala na ay di ka na makikilala o mababatid ng mga tao na dati'y nasa paligid mo. Isang halimbawa ay ang isang mayaman na lalaki at ang kanyang salapi. Kilala siya ng mga tao dahil sa matulungin ito at mapera ngunit nang dumating na wala na siya sa dati niyang estado ay kinalimutan na rin siya ng mga tao. Sa mundong ito may mga taong sadyang malakas pero sa loob nila ay makikita mo ang kanilang kahinaan at ang malamlam na liwanag sa kanilang kalooban.

ang hirap ng marami ay sagana ng iilan
ang nagpapakain, walang laman ang tiyan
ang nagpapanday ng gusali at lansangan
maputik ang daan tungo sa dampang tahanan
            Marami ang mga naghihirap sa panahon ngayon at iilan lang talaga ang maituturing mong nakakariwasa. Maraming mahihirap ang may malalambot na puso na gustong tumulong ngunit wala namang kakayahan at sa kabilang dako bihira naman ang mga mayayaman na nakakakita sa sitwasyon ng mga nahihirapan. Ang daan tungo sa inaasam na pag-asenso ay tila sarado para sa mga mahihirap at dugo't pawis ang kailangan upang matahak.

may mga haring walang kapangyarihan
mayroon ding alipin na masmalaya pa sa karamihan
may mga sundalo na sarili ang kalaban
at may pinapaslang na nabubuhay nang walang hanggan
            Mayroong mga pangulo at opisyal ng gobyerno na namuno sa ating bansa na tila walang kapangyarihan na magpasunod sa ating mga mamamayan at walang kaalaman sa pamamalakad sa bansa. Sila yung mga taong inaasahan ng bansa ngunit walang nagawa na parang malaya sa kanilang mga obligasyon at nagpakasaya lang sa kani-kanilang pwesto. Mayroong mga sundalo na ang kalaban ay kapwa sundalo na nagpapaslangan dahil lamang sa utos ng mga nakatataas sa kanila. Ang iba ay namatay ng walang saysay pero may iilan na itinuring na bayani dahil sa kanilang kagitingan at walang kapantay na serbisyo sa lipunan na hanggang ngayon ay di makakalimutan at patuloy na mabubuhay sa puso't diwa ng bawat isa.


may kaliwa't may kanan sa ating lipunan
patuloy ang pagtutunggali, patuloy ang paglalaban
pumanig ka, pumanig ka. huwag nang ipagpaliban pa
ang di makapagpasiya ay maiipit sa gitna
              Sa pagtatalo dito sa lipunan ay palaging may dalawang panig: kaliwa at kanan. Hindi natatapos ang pagtatalo hangga't walang nagpaparaya at walang umiintindi sa bawat isa. Kaya mas mabuting pumanig ka na lamang sa kung saan ang sa tingin mo ay tama kaysa maipit ka sa gitna ng dalawang nag-uumpugang bato.

bulok na ang haligi ng ating lipunan
matibay ang pananalig na ito'y palitan
suriin mong mabuti ang iyong paninindigan
pagka’t magkabilaan ang mundo
              Matibay na pananalig, walang pagdududang pagtitiwala at bukas puso't isipang pag-unawa ang siyang maaaring maglinis sa ating bulok na lipunan. Dapat maging matalino ka at suriin ang lahat ng bagay nang mabuti bago magpasya sapagkat magkabilaan ang mundo may tama at may mali.

magkabilaan ang mundo
magkabilaan ang mundo
magkabilaan ang mundo
           Sa kantang ito naipahatid niya na magkabilaan ang mundo, laging may dalawang mukha; tama o mali, itim o puti, liwanag o dilim, mahina o malakas, at kaliwa o kanan pero saan mang banda nasa sarili natin ang pagpapasya. Ito ay ang aking mga naging repleksyon sa kanta.








Post a Comment

myANIMEbox

Search This Blog

ShareThis

 
Top