Ang Pinaka-iinisang Karanasan Ko Ngayong Christmas Break 2011

  
            Araw ng Martes, 26 ng Disyembre taong 2011 nang mangyari ang pinaka-iinisang karanasan ko nitong Christmas Break 2011. Ito na rin ay isa sa mga pinaka-iinisan ko sa buong talambuhay ko. Ito ay ang unang beses kong magkaroon ng bulutong. Sa tingin ko ay nahawa ako sa pinsan kong kama-kailan lang ay nagkabulutong din. Halos lagi ko kasi siyang katabi noong nagpunta kami sa bahay ni lola. Noong mga araw na iyon ay pinapa-iwas ako sa pinsan ko dahil hindi pa raw ako nagkakabulutong at baka mahawa ako. Matigas ang ulo ko, hindi ako naniniwala na nakakahawa ang bulutong at palagi kong iginigiit na “Hangga’t hindi pa ako nagkakabulutong ay hindi ako maniniwala na nakakahawa ang taong may bulutong.” Siguro ay leksiyon na rin sa akin, nagkaroon na nga ako nito. N-alaman ko sa aking mga kapatid na hindi lang ako ang nahawaan ng pinsan ko kundi dalawa pang kamag-anak naming na nakatira sa kanila. Medyo napangiti ako sa loob-loob ko, hindi naman pala ako nag-iisa.
            Mahirap talaga ang may bulutong. Noong una ay maliliit na pulang butlig lamang na inakala kong tagyawat hanggang sa nilagnat na lamang ako. Habang parami nang parami ang mga bulutong ay medyo nahihirapan na ako kumilos. Napakahapdi nito sa katawan kaya nahihirapan akong matulog gabi-gabi. Kaya madalas, pag may pagkakataon ay pinipilit kong matulog o maski umidlip. Isa pang nakakalungkot ay hindi rin ako pwedeng lumabas o gumala dahil nakakahiya talaga sa ibang tao. Palaging nasa isipan ko na lalayuan lang nila ako pero hindi naman pala sapagkat binibisita pa nila ako. Sabi ko nga “Sige kayo, huwag nyo akong sisihin pag nagkaroon kayo a.” Pare-parehas lang ang tugon nila “Kung magkakaroon kami niyan, magkakaroon talaga kami, pero malamang hindi.”
            Ilang araw na ang lumilipas at hindi pa rin tuluyang nawawala ang bulutong ko. Sa tingin ko, Malabo na akong makapasok pa sa darating na 2 ng Enero taong 2012. Kung gagaling man ito agad, siguro ilang araw pa rin ang bibilangin para mawala nang tuluyan ang mga marka nito. Naasar man ako sa nangyari sa akin, natuto naman ako ng isang leksiyon “Laging sumunod sa payo ng mga nakatatanda.”





Post a Comment

myANIMEbox

Search This Blog

ShareThis

 
Top